Pinoy Bello in my Heart - Part 2 (The Special-Siopao Cutie Story)
Written by: Amor Filia, Le Sorelle Publishing
Akmang itatambog na ni Nonna Maria ang manok sa malaking talyasi nang may magpa-tao po. “Saglit lang at may tumatawag sa akin. Baka iyon na ‘yung hinihingi kong kamyas kay Melencio.” Nagmamadali na itong tumalikod papunta sa tarangkahang kahoy.
“Oy, ano pa ang hinihintay mo diyan? Ilagay mo ang manok para hindi lumamig ang tubig.”
Tila nagising si Marco sa pagkakatitig sa kaharap. Awtomatikong umangat ang kamay niya para ituro ang sarili. “Ako? Are you talking to me?”
Pagak na tumawa ang dalagita. “Don’t englisize me, okay. ‘Yang manok na ‘yan, dedo na. Iangat mo at ilagay sa talyasi. Dali na!”
Nataranta siya sa utos nito. Bahagyang matinis ang boses nito at lalo pa niyang ikinataranta ang urgency sa tono ng boses nito.
“Dedo means dead, tama?”
“Ano pa! Dali na kasi!”
“Oo na, heto na nga! Teka lang!” Yumuko siya upang kunin ang manok na nasa ibabaw ng sangkalan. Nakababa lang iyon sa lupa na nilatagan ng dalawang sako at pinatungan ng malaking sangkalang gawa sa kahoy. Inabot niya sa magkabilang ang kilikili ang manok at saka iyon binuhat. Lumungayngay ang ulo niyon kaya muntik na siyang maduwal. First time niyang nakakita ng manok na inagawan ng buhay.
Nainis siya nang makarinig ng halakhak. Tumatawa si Nene habang pinapanood siya. “Are you just gonna watch me here? Puwede kang tumulong.”
“Bakit hindi ako matatawa sa’yo e ginawa mong baby ‘yang kawawang manok. Hindi binubuhat sa kilikili ang manok, FYI, sa paa ‘yan binibitbit, okay.”
Sa ikalawang manok ay sinubukan niyang sundin ang sinabi ni Nene. Hinawakan niya sa dalawang paa ang manok na biktima at saka inilagay sa kumulong tubig.
“Hayan, ganyan nga. Okay, puwede na,” sabi ni Nene.
Tumayo na siya at akmang tatalikod nang muli itong magsalita.
“Saan ka pupunta?”
“Sabi mo, puwede na? Papanhik na sana ako.”
“Ayun nga, puwede na. Puwede mo nang balahibuhan si Chikki.”
“Sinong Chikki?” kunot-noo niyang tanong.
“Si chicken, puwede nang hubaran.”
“Mamma mia...”
“Mamemimomu ka diyan!”
Napailing siya. Hindi niya alam kung matatawa o maiinis siya sa nangyayari. “What shall I do now?”
“Aalisin mo ang mga balahibo sa balat ng manok.”
Muli ay ibig na naman niyang maduwal. Alam niya ang proseso at hindi naman siya ganoong kainosente pero hindi niya kahit kailan in-imagine na darating ang araw na siya ang hahatol sa mga kabaro ni Chikki.
“I can’t do this. Baka masaktan sila.”
Malakas na tawa ang isinukli ni Nene. “Saang bundok ka ba galing, tisoy? Natural ay hindi na ‘yan masasaktan dahil patay na ‘yan. Saka kung sakali man, tungkulin niyang magbigay ng kasiyahan sa mga tao kaya huwag kang maawa na para bang kamag-anak mo ‘yang manok.”
“Thank God, wala naman akong kamag-anak na manok. E tu?”
“Anong etu? Baka ito ang gusto mong sabihin?”
“I mean, ikaw, baka may kamag-anak kang manok.”
“Nang-iinis ka ba?” tila pikong sabi nito.
“You bullied me first.”
Sa kabila ng kulitan at pagbabangayan ay nagawa naman niyang magbalahibo ng manok. Sa simula ay nakakailang pero nang lumaon ay naging at ease na rin siya. Noon bumalik ang abuela. May dala nga itong kamyas.
“Nag-aaway ba kayo?”
“Hindi Nanag, tuwang-tuwa nga ako sa apo niyo. Tataba ang mga manok sa tubig dahil naglakihan na ang pores sa balat nila sa lakas ng haltak nitong apo niyo.”
“Wow...thank you, ha,” pa-sarcastic na bulalas ni Marco.
“Binibiro ka lang naman—”
“Papanhik na ko...Buona notte...Nonna...N-Nene...”
Tumalikod na siya at tinungo ang hagdang kahoy.
“Nonna?” tila nagtatakang tanong ni Rita sa matanda nang tuluyan nang makatalikod si Marco.
“Lola ang ibig sabihin niyo...grandma...e ang Nene?”
Nagkibit ito ng balikat sabay ngiti. “Nana!” sigaw ni Rita sa direksiyong pinuntahan ni Marco.
--- To be continued...
Kung nagustuhan mo ang kwento na ito, SHARE, LIKE at COMMENT naman dyan, para ganahan yung writer at maipagpatuloy pa ang series na ito.
Meron ka din bang fan fictional stories na gusto mo i-bahagi sa amin? Maari mo ipadala yan sa amin sa pamamagitan ng email, send your original stories at dailybabbleph@gmail.com.
No comments:
Post a Comment