PBB Stories: Pinoy Bello in My Heart - Part 1

Pinoy Bello in my Heart - Part 1 (The Special-Siopao Cutie Story)

Written by: Amor Filia, Le Sorelle Publishing


            Rita Gaviola was the so-called Siopao Girl in her town. Namulatan na kasi niya ang paggawa at paglalako ng siopao ng kaniyang pamilya sa kanilang lugar kaya naman kilala na rin siya ng lahat sa tawag na iyon.
        
             Isang araw, habang abala sa kaniyang paglalako ng paninda sa daan ay may isang mestisong lalaking tumawag sa kaniya ng bella. Nagalit siya rito dahil alam niyang hindi maganda ang kahulugan ng salitang iyon, idagdag pang nagtatawanan at nagkakantiyawan ang mga kaibigan na kasama nito. Dahil doon ay inihampas niya rito ang dalang basket at binuhusan ito ng sauce ng siopao sa damit. Namula sa galit ang foreign bangus na lalaki at at bahagya siyang nasindak nang humakbang ito palapit sa kaniya. Pero kailangan niyang panindigan ang pagsusungit kung iyon ay para sa magandang reputasyon ng kaniyang pamilya. Hindi siya isang belyas! Ano ang karapatan nitong laitin siya nang ganoon?

            Ang akala ni Rita ay tapos na ang eksenang iyon at hindi na niya kailanman makikita ang lalaki kaya naman laking gulat niya nang minsang sunduin ang ina sa pinapasukan nito at nakita roon ang kumag, pangisi-ngisi pa sa kaniya.

            “Mamay, don’t tell me na ang kinukuwento ninyong Pinoy Bello na anak ni Ma’am Annie ay ang foreign bangus na ‘yan? Don’t joke me, Mamay. Don’t me,” tangi na lang niyang nasabi kasabay ng mariing kagat-labi.

Autunno – fall / autumn

Calcio – football

Caro – dear, endearment to a boy or a man

Di niente - You're welcome

E tu – what about you

Grasso - fat

Vieni – come

Niente - nothing

*********************************************************************
"VIENI QUI, Marco. We need to talk about something important."
Patamad niyang sinulyapan ang inang nagdidilig ng halaman. Her mother truly loved gardening. Bago ito umalis ng bahay sa umaga at pagdating sa hapon ay iyon ang hinaharap nito. Kinakausap pa nito ang mga halaman nito kung minsan.
"Ma, lalabas ako. John mi sta aspettando. Magka-calcio lang kami," tugon niya sa wikang Italiano na ang ibig sabihin ay may kaibigan siyang naghihintay sa kaniyang pagdating. John has been his friends for six years now. Napangakuan niya itong susunod siya sa Vesuvio para makipaglaro ng football kasama ng tropa nito.
"Vieni, caro...may sasabihin lang ako," malambing na sabi ng ina. Tumalima siya at humakbang palapit rito.
"Your father has already paid for your ticket," bulong nito na nagpalaki sa kaniyang mga mata. At ang akala pa naman niya ay tinikis na siya ng ama at tuluyan nang hindi pinagbigyan na makauwi ng Pilipinas sa taong iyon.
"Great!" bulalas niya. "Pero ang akala ko ay hindi tayo uuwi—"
"Hindi nga," anito sabay senyas sa kaniya na huwag lakasan ang kaniyang boses. "You will go to the Philippines alone. Susunod na lang kami bago ang autunno, anak."
"Pero, Ma..."
"Don't worry about us. Kailangan mong magbakasyon; tutal ay tapos na ang klase. Aayusin lang namin ng papa mo ang mga iiwanan dito at susunod rin kami sa'yo."
"Thanks, 'Ma. You're the best." He kissed his mom in both cheeks and hugged her tight.
"Di niente, hijo. Your papa will give your ticket after dinner. Scusa for being a spoiler," anito at saka humagikgik.
Matapos tanguan ang ina ay patakbo siyang lumabas ng gate. He would soon see his friends again. Maging ang mga pinsan at ilang kamag-anak sa Pilipinas ay nami-miss na rin niya. Truly, there's no place like home.
MARCO GALLO was a half-Italian, half-Filipino son to Franco Gallo and Carina Anne Canete. Sa Milan na siya ipinanganak at nagkaisip. Sa kasalukuyan ay nakatapos na siya ng Senior high school at sa susunod na pasukan ay nakatakda na siyang pumasok sa universita. Madalang siyang mauwi ng Pilipinas pero hindi hadlang iyon para maging malapit siya sa mga kamag-anak. Kaya naman malaking bagay sa kaniya ang pagpayag ng mga magulang na umuwi siya ng Pilipinas para doon gugulin ang kaniyang school break.
Ganap na alas-singko ng hapon nang marating ni Marco ang bahay ng kaniyang Lola Maria. Sinundo siya sa airport ng dalawang pinsan na sina Edwin at Zarex pero nagpaiwan ang mga ito sa Plaridel para mamili ng mga ibinilin ng kaniyang abuela. Si Tiyo Roman naman na kapatid ng kaniyang ina ang sumundo sa kaniya sakay ng tricycle nito.
"Kumusta naman ang biyahe mo, apo?" tanong ng abuela saktong nakapanhik na ng bahay na pawid si Marco.
"Maayos, Nonna...I had a good trip." Nasanay na siya na tawagin ng 'nonna' ang abuela. Kahit hindi sila madalas magkita nito ay malimit naman niya itong makausap sa telepono sa tuwing tumatawag rito ang kaniyang ina. Alam rin nitong ang salitang iyon ay pamalit sa grandma.
"Mabuti naman kung ganoon. Huwag mong alalahanin ang mga bagahe mo at natitiyak ko sa'yong maya-maya lang ay nariyan na ang mga pinsan mo. Halika sa komedor at kumain muna tayo."
Napangiti siya nang lihim. Natatandaan niyang ang ibig sabihin ng komedor ay kusina. Sa abot ng kaniyang alaala, ang bahaging iyon ng bahay ng abuela ang pinakapaborito niya.
"Alam ko ang nasa utak mo, apo. Iyon na nga, ang bahagi ng bahay na lagi mong ginagawang tambayan."
Natawa siya nang malakas at napatawa rin ang kaniyang nonna. Paano nga ba niyang makakalimutan kung malaking bahagi ng kaniyang kabataan ay overweight siya? Kahit mahilig na siya sa calcio mula pagkabata ay hindi iyon sapat para tunawin ang baby fats niya. Good thing na hindi na ganoon ang situwasyon ngayon. Kasabay ng paglalaho ng excess fats sa kaniyang katawan ay ang paghinto rin ng kaniyang mga kaklase sa panunuksong grasso o mataba siya. Isang dahilan marahil kung bakit hindi ganoon karami ang mga kaibigan niya sa eskuwelahan man o sa labas ng kanilang bahay.
Isang masaganang hapunan ang inihanda ni Nonna Maria sa kanila nang gabing iyon. Halabos na hipon na may ginayat na manggang hilaw, pritong tulingan at bangus sa ginayat na labanos, alimasag at dinuguan na may kaparis na putong puti.
"This is so great, Nonna. Thanks for all of these," masaya niyang sabi sa kaniyang abuela habang walang patid ang pagnguya ng pagkain. Busog na busog na siya pero hindi pa rin niya magawang iwan ang kaniyang pinggan.
"Nagustuhan mo kahit hindi pasta o pizza ang inihanda ko, apo?"
"Nonna, masarap pong lahat ang mga ito. Hindi ko po ito natitikman sa Milan," namumuwalan pa niyang sabi. Iniusad niya ang pinggan na kinalalagyan ng alimasag sa mga pinsan. "Eat more, mga pinsan," nakangiti niyang sabi sa dalawa.
"Tataba ka dito, apo. Ipagluluto kita ng kahit anong gusto mo sa araw-araw."
"Naku, huwag na po, Nonna. Nakakahiya naman sa inyo. I'll stay here for almost two months at baka maghirap po kayo sa akin," biro niya sa matanda na ikinatawa naman nito.
"Huwag kang mag-alala dahil may katuwang naman ako sa lahat ng gawain rito. Maya-maya ay ipapakilala ko sa'yo si Roberta. Kaklase siya ng iyong mama noon, nakapag-asawa ng taga-Rizal kaya doon na pumirmi. Bagong lipat lang sila noong nakaraang taon."
Tinanguan lang niya ang sinabi ng abuela at saka ipinagpatuloy ang pakikipagkuwentuhan sa dalawang pinsan. Masaya siyang nakikinig sa masayahing si Zarex na nagkukuwento ng tungkol sa nililigawan nitong si Jean. Si Edwin naman ay tahimik at pangiti-ngiti lang.
"Bakit pala Inglesero ka, nasnip? Nabanggit dati ni Tita na hindi naman daw masyadong uso ang Ingles sa Italia ah. Naobliga nga daw siyang mag-aral ng Italiano dahil doon."
"Sa International school ako pumasok, pinsan. I prefer speaking in Italian than English though, pero hindi niyo naman ako maiintindihan kaya halu-halo na lang."
"E kung turuan mo kaya kaming mag-Italiano nitong si Edwin? Ano sa salita niyo ang mahal kita?"
"Diyan ka magaling!" Binatukan ito ni Nonna Maria habang kunwa'y nagagalit.
"Nagtatanong lang naman, Lola," ani Zarex habang himas ang ulo nito.
"Tigil-tigilan niyo ang pinsan niyo at baka ma-culture shock 'yan e umuwi ng Italia."
"I'm fine, Nonna." Binalingan niya ang dalawa at saka ngumiti. "Don't worry, mga pinsan, tuturuan ko kayo ng Italian one of these days." Nag-high five ang tatlo at saka itinuloy ang pagkain.
Nasa ganoon silang tagpo nang makarinig ng kung anong ingay na nagmumula sa silong bahay. Kasunod niyon ay ang pagtilaok ng mga manok na tila nabulabog.
"Roberta? Berta, ikaw ba 'yan?" sigaw ni Nonna Maria pero walang tugon. "Tiyak na si Berta na 'yan. Pinapunta ko kasi siya para magkatay ng manok ngayong gabi dahil maaga kong iluluto iyon bukas."
"Gabi na, Nonna. You can do it tomorrow."
Itinaas lang ng abuela ang isang kamay nito na tila ba sinasabing okay lang ito. Inilayo nito ang pinggan at saka tumayo upang tunguhin ang hagdan. Ilang saglit pa ay silang tatlong magpipinsan na lang ang nag-iingay sa mesa.
"NONNA!" tawag ni Marco sa kaniyang abuela. Bahagyang mapusyaw ang ilaw sa ilalim ng bahay pero dahil naririnig niya ang ingit ng kinakatay na manok ay natalunton naman niya ang kinaroroonan nito.
"Apo, bakit ka bumaba rito? Madilim dito, baka mapatid ka sa mga talaksan ng kahoy."
Hindi niya naunawaan ang sinasabi ng matanda nang mapatingin sa isang babaeng nakatalikod at sige sa pagkakatay ng manok na hawak nito. Nakasuot ito ng apron at nakikita niya ang tali sa likuran ng kupasing duster na suot nito.
"Marco! Apo, naririnig mo ba 'ko?" ulit ng kaniyang nonna.
Kasabay ng paglingon niya rito ay ang pagtingin naman sa kaniya ng babaeng nakatalikod. Nang muli niya itong lingunin ay nakayuko na ulit ito sa ginagawa. Itinuro niya ang babae sa matanda na tila nagtatanong.
"Anak ni Berta 'yan. Hindi raw makakarating ang ina at masakit ang tiyan. Maalam naman iyan sa kusina kaya walang problema."
Nalimutan yata ng abuela na sabihin ang pangalan nito kaya napatikhim siya. Itatanong na sana niya iyon nang magsalita ang dalagita.
"Nanang, kumukulo na po ang tubig. Puwede nang itambog ang manok at nang mabalahibuhan."
"O siya, sige. Saglit lang, Nene."
Nene pala ang pangalan niya...


--- To be continued...

Kung nagustuhan mo ang kwento na ito, SHARE, LIKE at COMMENT naman dyan, para ganahan yung writer at maipagpatuloy pa ang series na ito.

Meron ka din bang fan fictional stories na gusto mo i-bahagi sa amin? 
Maari mo ipadala yan sa amin sa pamamagitan ng email, send your original stories at dailybabbleph@gmail.com.




2 comments:

  1. Hello po. Ako po ang nagsulat ng kuwentong ito. Sana po ay magustuhan ninyo at subaybayan. God bless :)

    ReplyDelete
  2. Susubaybayan po talaga namin yan. Keep us updated po. At salamat sa fanfic na'to. Ang cute kahit simula palang. You should try posting it on wattpad. Para mas marami kang maging reader, I'm actually a writer din kasi.

    ReplyDelete