Pinoy Bello in My Heart - Part 4

Pinoy Bello in my Heart - Part 4 (The Special-Siopao Cutie Story)

Written by: Amor Filia, Le Sorelle Publishing



Sa pagpapatuloy...

Napangiti lang si Marco sa kantiyaw na iyon ni Maverick. Kanina ay ipinasyal siya ng mga pinsan at nakasalubong nila ito sa daan, may dalang bola. Sa basketball court sila humantong at matapos ang halos isang oras na shooting ay napagpasyahan nilang tumambay na lang sa tindahang malapit sa court. Dati na niyang kilala si Maverick at kahit hindi siya madalas mauwi ng Pilipinas ay natatandaan niya ito.

“I had two girlfriends last year pero ngayong taon, medyo lie low. Bad shot kasi kay Nanay eh. She thought, I was not taking my studies seriously pero papahirap na kasi talaga ang subjects ko.”

“Kapag may inspirasyon, mas masarap mag-aral, hindi ba, Zarex?” kantiyaw ni Edwin.

“Siyempre naman. Saka nasa tao naman iyan kung pababayaan niya ang pag-aaral niya o hindi. Kaya nga ba pag-iigihan ko ang diskarte ko kay Jean para mapasagot ko na siya sa Enero.”

“Bakit sa Enero pa eh Oktubre pa lang?” tanong ni Maverick.

“Magastos mag-lovelife ngayon dahil mag-uundas eh. Baka sa akin pa magpabili ng kandila e pati kandila sa bahay namin, maibigay ko pa.” Nagtawanan ang tropa.

“Tama, Pare. Magpapasko pa kamo. Mas magastos iyon.”

“E kung sa Enero ka sasagutin, may Valentines naman ng Pebrero, e ‘di gastos rin.”

“Aba, oo nga, ano pero baka kasi maunahan ako eh.” Napakamot ng ulo si Zarex na ikinatawa naman nilang lahat. “O sige, liligawan ko siya pero sasabihin ko na wala munang sagutan para hindi ako mapagastos.”

Tawa siya nang tawa. Na-miss niya ang kakalugan ng mga pinsan niyang ito. Sa Milan ay may mga kaibigan rin naman siya at masaya ring kasama ang mga iyon pero iba pa rin ang biruan ng mga Pinoy. Sobrang nakakaaliw.

“Ikaw, Mav? Napasagot mo na ba si Chai?” maya-maya ay tanong ni Edwin.

Bilang sagot ay iniliyad ni Maverick ang dibdib at saka mayabang na nagsalita. “Ang lakas ng loob niyong magtanong ha. Natural!”

“Talaga?”

“Oo naman! E ikaw, napasagot mo na ba si Anabelle?”

“Malapit na. Itong si Marco ang tanungin mo.”

Umangat ang kilay niya nang sa kaniya tumuon ang tingin ng tatlo.
“Why me? I don’t know anyone here na puwede kong ligawan.”

“Makakakita ka, ikaw pa. Just make your eyes lingap and make ligaw.”

Nag-high five ang apat habang malakas na nagtatawanan dahil sa sinabi ni Zarex.

“Ops, teka, hayan yata ‘yung anak ni Aling Lucia. Bumili tayo kunwari ng siopao para mapansin tayo.”

“Teka, hindi ba iyan si Nen—”

“Huwag kang maingay, ako ang didiskarte,” putol ni Maverick sa tanong niya.

“Saglit pare, ano’ng gagawin mo?”

“Sisipulan ko lang.”

“Baka mabastos siya,” worried niyang sabi.

“Para kang hindi lalaki, sisipulan nga lang!” gatong naman ni Edwin na mabilis namang inayunan ni Zarex.

“Eh mukhang masungit.”

“May naisip ako, mga pare,” ani Edwin na sumesenyas pa ang mga kamay. “Kung testing-in natin ang appeal nitong si Marco sa mga babae?”

“Kailangan pa bang testing-in iyon eh tingnan mo naman itong si Marco kompara sa atin, mapusyaw ang kulay at matingkad ang kaguwapuhan. Sino namang babae ang ii-snub diyan?”

“E ‘di iyang anak ni Aling Lucia,” nangingiting sabi ni Zarex. “Hindi ba may pagkamasungit nga iyan?”

“Tingnan natin kung uubra itong si Marco diyan.”

“Naku, itong si Maverick na lang, huwag na ako,” tanggi niya.

“Kapag hindi mo ito ginawa, pare, hindi ka namin sasamahan sa puntod ng lolo mo. Nakalimutan mo na ang pagpunta roon, kasasabi mo lang kanina.”

“Magpapasama ako kay Nonna.”

“Pagtatawanan ka ng nonna mo at iisipin niya na sa lahat ng lakad ay kailangan ka niyang samahan dito sa Bulacan. Yari ka kapag may lakad tayo at gustong sumama ni Nanang. Ano, gusto mo ba iyon?”

Napaisip siya sa sinabi ni Edwin.

“E ano ba kasi ang gusto niyong gawin ko?” tanong niya habang ang tingin ay nakatuon na ngayon sa papalapit na si Nene.

“SIOPAO! Ate, bili ka na ng siopao. Sabi mo kahapon, bibili ka eh,” ani Rita sa nakasalubong na kapitbahay na si Jemena. Akay nito ang anak na apat na taon ang edad.

Ngumiti ito sa kaniya at saka humakbang palapit. Bakit diyan nakalagay ang paninda mo ngayon?” tanong nito nang makita ang hawak niyang basket.

“Si Mamay ang may dala noong lalagyan eh. Pero mainit pa ito at maayos naman ang balutan ko kaya kumuha ka na.”

“O siya, sige at bigyan mo ko ng dalawa. Tig-isa kami nitong si James.”

Nakangiti rin niyang binigyan ng dalawang siopao ang kapitbahay. Pagkatapos itong suklian sa iniabot nitong beinte pesos ay tumalikod na siya. Liliko na sana siya sa kantong nadaanan nang may marinig na sutsot. Nang lumingon ay napakunot ang noo niya. Si foreign bangus ba ang sumutsot sa kaniya?

Lalong lumalim ang kunot sa noo niya nang marinig ang sinabi nito. “Nene!”alanganing sigaw nito na siya ang tinutukoy. Nang hindi siya sumagot ay sumigaw ulit ito. “Ciao, bella!” Ngumiti ito habang ang tropa nito ay nagkakantiyawan. Nagtagis ang bagang niya sa inis at nagsalubong ang mga kilay niya. Mukhang hindi niya type ang ibig ipakahulugan ng mga ito. Mabibilis ang mga hakbang na lumapit siya palapit sa grupo.

“Ano’ng sinabi mo?” sita niya sa kaharap na foreign bangus.

“I just called your name...” tila nagtatakang sabi nito. Ang tingin niya ay bigla itong namutla nang mameywang siya. Itinaas pa niya ang isang kilay para mahalata ng mga ito na galit siya.

“Name? Hindi na ako nene! At ano pa ‘yung isang sinabi mo?”

“What did I say? Hmmm…bella?”

“Bella pala ha! Ano ‘yan, singular ng belyas? Ito’ng sa’yo, ungas ka!”
Nanlaki ang mga mata nito nang bigla niya itong hampasin ng basket na dala. Dahil doon ay tumapon ang mga siopao na nasa loob ng kaniyang basket. Pero hindi pa siya nakontento roon at kinuha pa niya ang pasobrang sauce na nasa plastic at tinapunan niya sa damit ang kaharap. Noon nagtigil sa tawanan ang grupo. Tulala lahat ang mga ito sa ginawa niya. Maging siya rin naman ay nabigla sa ginawa. Tila siya binuhusan ng samalamig nang makita ang salubong na kilay ni Marco. Kunot na kunot rin ang noo nito at naniningkit ang mga mata habang palipat-lipat ang tingin sa suot nito at sa kaniya.

“Caz*o! Why did you do that?!” galit na sabi nito habang pilit pinapagpag ang damit na naninikit sa dibdib nito.

“E kasi…sabi mo kasi, ano eh..” Bigla siyang nautal at hindi mahagilap ang salitang dapat isagot sa kaharap.

“What?!” bulyaw nito. “Did I say anything wrong?”

“You said me bella. Alam mo ba iyon? Mababang uri ng babae ang ibig sabihin noon, babaeng mababa ang lipad!”

“Perché? Ibon ka ba? Ah, siguro ay ikaw ang may kamag-anak na manok.”

“Huwag mo ‘kong binabastos!” hirit niya.

“I only called your name and it seems you didn’t hear me so I just called you bella! Kung ayaw mo, huwag mo!” anito sabay talikod. Malalaki ang mga hakbang nito at halatang galit. Ang mga kasama naman nito ay nakatingin sa kaniya. Pinanlakihan niya ito ng mga mata nang magsenyasan ang mga ito na lagot daw siya. “Ewan ko sa inyo! Mga ungas!”

“Nagalit si Pinoy bello, lagot ka, Rita!” tukso ni Edwin bago tuluyang tumalikod.

‘Pinoy bello? Siya si...siya si Pinoy bello na tinutukoy ni Mamay? Oh no....’


--- To be continued...

Kung nagustuhan mo ang kwento na ito, SHARE, LIKE at COMMENT naman dyan, para ganahan yung writer at maipagpatuloy pa ang series na ito.

Meron ka din bang fan fictional stories na gusto mo i-bahagi sa amin? 

Maari mo ipadala yan sa amin sa pamamagitan ng email, send your original stories at dailybabbleph@gmail.com.

No comments:

Post a Comment