Pinoy Bello in my Heart - Part 3 (The Special-Siopao Cutie Story)
Written by: Amor Filia, Le Sorelle Publishing
Caz*o – f*ck
Perchè – why / because
****************************************************************************
“PAGKATAPOS mong labhan ay isampay mo na agad ang mga damit, Rita. Sayang ang init ng araw. Hindi—
“Hindi matutuyo ang mga damit…” putol niya sa sinasabi ng inang si Lucia.
“Mabuti at alam mo!”
“Mamay naman, ikaw na ang makarinig ng dialogue na ‘yan eight times a week kung hindi mo pa makabisado.”
“Tatlong beses lang tayo maglaba sa isang linggo, huwag kang eksag.”
Kumunot ang noo niya at lumingon sa ina habang patuloy sa pagkusot ng mga puting damit. “Eksag?”
“Oo. Iyon daw ang tawag kapag sobra ang reaksiyon sa isang bagay, ganoon. ‘Yung parang pinalalala ang mga bagay-bagay sa mundo. Hindi mo iyon alam?”
“Baka exaggerated po, ‘Mamay.”
“Ayun nga. Pinaikli lang para mas sosyal.”
“Sosyal e ambaho nga ng tunog. Exag as in eksaj, ‘Mamay, hindi eksag na ang tunog ay basag.”
“Huwag mo nga akong sinisermunang bata ka! Pagbutihin mo ang kusot para pumuti ‘yang nilalabhan mo.”
“Mamay, kahit two years ako dito sa labahan ay hindi na puputi nang tulad ng dati ang mga ito. Dalawa lang ang solusyon dito, May.”
“Ano?”
“Tina o tapon. Titinain o itatapon.”
“Naku, ewan ko sa’yong bata ka. Puro ka kalokohan.” Iiling-iling ang ina habang inihahanda ang mga ipitan at hanger na gagamitin niya sa pagsasampay.
“Mamay, may itatanong pala ko sa inyo,” untag niya rito nang marinig na sumisipol-sipol pa ang ina habang nagha-hum ng paborito nitong kanta.
“Huwag lang pera, may isasagot ako diyan.”
Ngumiti siya. Sanay na siya sa kakulitan ng ina. “Matutuloy po ba akong mag-high school sa Maynila sa isang taon?”
Ilang sandali na ay hindi pa rin kumikibo ang ina kaya tinawag niya ito. Lumingon naman ito sa kaniya.
“Alam mo, Rita, wala kaming hangad ng Papi mo kung hindi ang kabutihan ninyong magkakapatid. Ang kaso, hindi talaga tayo ipinanganak na masuwerte eh. Hindi naman kami tumitigil sa pagsusumikap pero parang walang usad.”
Kapag ganoon na ang topic ay nagiging seryoso na ang mamay niya. Lagi kasi nitong sinasabi na edukasyon lang ang maipapamana ng mga ito sa kanilang magkakapatid.
“Ayos lang, Mamay. Naalala ko lang ang tungkol doon nang makausap ko si Joya. Sa Maynila rin daw kasi siya magpapatuloy ng pag-aaral. Naalala ko tuloy ang mga kaklase ko roon.”
Bumuntong-hininga muna ito saka nagpatuloy. “Ganyan talaga ang buhay, para kang nakasakay sa alon at kung saan-saan ka ipinapadpad. Kapag nilabanan mo, mahirap hindi ba, pero kung sasabay ka sa agos, dadali ang lahat. Kaya ikaw, Rita, huwag kang masyadong madrama sa buhay. Isipin mong isa kang alon na hindi pumipirmis sa isang lugar. Huwag ‘yung kung saan ka mapunta e gusto mong doon ka na lang sa habampanahon.”
“E bakit narinig kong sinabi mo kay Tiyo Mario noon na huwag palipat-lipat ng trabaho dahil para siyang gumugulong na bato na hindi kinakapitan ng lumot? Sabi mo pa nang itanong ko noon ang ibig sabihin niyon, dapat ay masiyahan sa isang bagay at hindi paiba-iba ng isip. Ano ba talaga, Mamay?”
“E ibang usapin iyon. Basta ikaw, matuto kang mag-adjust at makibagay sa bawat lugar na pinupuntahan mo. Hindi iyong situwasyon ang gusto mong mag-adjust sa iyo.”
“Masama ba iyon, Mamay?” Piniga niyang mabuti ang isang damit na katatapos lang kusutin.
“Hindi naman pero kung hindi maganda ang buhay na nakagisnan mo, oo masama. Kasi habambuhay mo na lang mararamdaman na kawawa ka. Buong buhay mo, iisipin mong hindi ka masuwerte tulad ng iba.” Bumaling ito sa kaniya, seryosong-seryoso ang anyo. “Naintindihan mo ba?”
Umiling siya. “Ang alon, ‘May?”
Kinutusan siya nito nang marahan sa ulo.
“Aray naman!” daing niya na siyempre ay nagbibiro lang. Sa kabila ng murang edad ay malawak na ang isipan niya. Siguro ay dahil na rin sa dami ng dinanas niya sa buhay. Trese anyos lang siya pero sabi nga ng mama ni Joya na si Tita Johna ay para na siyang beinte anyos kung kumilos at magsalita.
Sa Maynila na lumaki at nagkaisip si Rita. Ang kaniyang mga magulang ay sina Simon at Lucia Gaviola. Mayroon siyang dalawang kapatid, sina Joan at Louise. Laki sa hirap kaya marunong sa buhay. Ang nanay niya ay dating nagtitinda ng bulaklak sa harap ng isang malaking simbahan habang ang tatay naman niya ay namamasukan sa isang talyer. Sa hapon ay gumagawa ng siopao ang mga ito na inilalako naman nilang magkakapatid. Nagisnan nila ang buhay na sa araw-araw ay nakikipagtunggali sa hirap. Na ang ihahain sa mesa ay walang kasiguraduhan. Pero sa kabila ng hirap ay pilit na itinataguyod ng mga magulang ang kanilang pag-aaral hanggang isang araw ay ibinalita ng ama na lilipat sila sa Bulacan, ang hometown ng kaniyang ina. May kapirasong lupa raw ang ina na minana sa mga magulang nito kaya doon sila nagtayo ng munting bahay. Nagsimula silang bumuo ng bagong buhay roon. Ipinagpatuloy nila ang pagtitinda ng siopao at kahit paano ay nakapagpatuloy sila ng pag-aaral na magkakapatid.
Nang minsang nakasalubong ng nanay niya si Nanang Maria ay inalok ito ng matanda ng trabaho. Kailangan daw nito ng paminsan-minsang assistance sa mga gawaing bahay at makakatulong sa pag-aasikaso ng mga halaman at hayupan nito. Dahil hindi naman araw-araw at flexible ang schedule na ini-o-offer ni Nanang Maria ay tinanggap iyon ng kaniyang ina. Idagdag pang malapit palang kaibigan ng nanay niya ang isang anak ni Nanang Maria na si Carina.
Hindi pa niya kahit minsan nakita ang kaibigan ng ina. Minsan sa isang linggo ay sumasama siya para tulungan ito sa trabaho nito sa bahay ng matanda at wala siyang natatandaang nakitang kahit isang picture ni Mrs. Canete. Gayonman ay madalas itong laman ng kuwento ng kaniyang ina.
“Siya nga pala, Rita, ano ang sabi ni Nana Maria kahapon nang ikaw ang pinapunta ko para magkatay ng manok?”
“Wala naman po. Magpagamot na daw kayo ‘pag hindi naalis ang sakit ng tiyan niyo.”
“Talagang mabait si Nana Maria, ano.”
“Oo nga po.” Tumayo siya at nagbomba ng tubig sa kaniyang batsa para sa pagbabanlaw.
“Alam mo, ganyan din si Carina, mabait at maalalahanin.”
“Ano po ba ang hitsura ng Carina na ‘yon, Mamay?” curious niyang tanong.
“Maganda, siyempre. Bestfriend ko iyon noong araw eh. Minana niya sa tatay niya ang may pagkasingkit niyang mga mata, ang dimple naman niya ay kay Nanang Maria.”
“Bakit hindi ko siya nakita ni minsan sa bahay ni Nanang? Kahit pictures, wala.”
“Naku, ganyan talaga ‘yang si Carina. Walang kahilig-hilig sa mga ganyang bagay. Saka nasa Milan siya ngayon kasama ang anak at asawang Italiano.”
“Naku, ang guwapo siguro ng anak niyang bestfriend niyo, Manay, ano. Foreign bangus eh.”
“Anong foreign bangus ang sinasabi mo diyan?”
“Mestisong bangus, ‘May. Ang dami niyo nang natututunan sa akin ha, in fairness.”
“Ang taba nga ng utak mo, anak, purong-puro.” Tumawa ito at napanguso naman siya. “Guwapo talaga ang anak ni Carina. Maputi saka ang taba-taba noong huling makita ko sa pictures na ipinakita ni Nana Maria.”
“Baka kapatid siya noong masungit na inglesero doon sa bahay ni Nanang.”
“Sino iyon?”
“Ewan ko po. Nakakahiya namang magtanong kay Nanang eh, baka sabihan ako ng FC.”
“Flag ceremony?”
“Feeling cute, Mamay.”
Nang tingnan siya nito na tila hindi ito naniniwala ay tumawa siya. “Okay, feeling close,” aniya saka humagikgik.
“Baka nga kapatid iyon ni Pinoy bello. Hindi ko alam kung ilan ang naging anak nilang mag-asawa eh.”
“Pinoy bello?”
“Iyon ang nakasulat sa likod ng picture ng batang mataba eh.”
“Ano kaya ang ibig sabihin niyon?” napapaisip niyang tanong sa sarili.
“Aba’y malay ko. Kung mestiso ‘yung nakita mo, malamang ay anak nga ni Carina. Nabanggit ni Nana Maria na uuwi nga ang apo niya kay Carina ngayong buwan eh. Mataba ba?”
Umiling siya. “Ayos lang.”
“Anong ayos? Mataba, payat, may pandesal ba o wala?”
“Hinubaran ko ba, Mamay? Siyempre, hindi ko po nakita.”
Kinutusan na naman siya ng ina at this time ay natawa na siya nang bonggang-bongga. “Itanong ba naman kasi kung may abs eh. Baka pizza sa sikmura meron iyon, sa Italia galing ‘di ba?”
“Aba’y bakit naman ‘yung kapitbahay nating si Charito, hindi ba at Italiano si Severin, ang napangasawa niya? Aba, kahit nakadamit iyon ay namumutok sa abs ang katawan. Hulmang-hulma.”
“Nabasa ko sa isang magazine sa parlor diyan sa kanto na ang mga European daw ay health conscious talaga. Baka good muscles talaga ‘yung nasa katawan ni Tito Seve dahil sa kakatakbo at kaka-exercise sa Italia.”
“Umingos ang kaniyang ina. “Maka-Tito Seve ka. Pamangkin? Pamangkin?”
“Yes, Mamay, tuwing Pasko sa Manila, pamangkin nila ‘ko, remember!” Nagkatawanan silang mag-ina.
Si Severin Almonte ay isa ring Fil-Italian na napangasawa ng kapitbahay nilang si Charito. Guwapo rin ito at mabait at halatang masayang-masaya ang kaniyang Tita Chat sa piling nito. Ang totoo ay bata pa si Charito o Chat, gayon din si Seve pero dahil mag-asawa na ang mga ito, feeling niya ay mas tamang tawagin ang mga ito bilang tito at tita sa halip na ate at kuya.
Maganda ang love story ng dalawa at paborito niyang ipakuwento iyon sa ate ni Chat na si Tat. Mas close kasi sila nito dahil may bahagyang kasungitan si Chat kompara sa kapatid. Si Tat naman o Crisanta ay una nang naikasal kay Shann Dorantes, ang multimillionaire na kamukha ni Daniel Henney. Mas cute ang love story ng dalawa na nagsimula raw sa gayuma.
“Hoy, Rita! Narinig mo ba ‘ko? Kanina pa kita tinatanong kung bakit pangiti-ngiti ka. Nag-iimagine ka na naman ng mga guwapong artista ano?”
“Nay, masama ang mambintang huh. Bad po.” Tumayo siya at kinuha sa ina ang mga hanger na gagamitin sa pagsasampay.
“E bakit pangiti-ngiti ka at umiikot pa ang mga mata mo diyan?”
“Naisip ko lang po si Tita Chat at Tito Seve, ganoon din si Tito Shann at Tita Tat. Nakaka-in love po kasi ang mga kuwento nila.”
“Ilang taon ka na nga ulit, anak?”
“Fifteen po.”
“’Yung totoo?”
“Fourteen, ‘May.”
“Call a friend.”
“Okay, trese.” Nag-pout siya at saka tumalikod dala ang mga isasampay.
“Manong mag-aral munang mabuti at hindi lab-lab story ang nasa utak, hane. Mag-aral para sa pagkakaedad ay may ilalaman sa sikmura. Ang pag-ibig kapag walang laman ang tiyan ay lumilipad sa bintana. Tandaan mo ‘yan, Miss Nene!”
Lumabi siya nang marinig mula sa likuran ang sigaw ng ina. Lumabas na siya ng bahay at isinampay ang mga dalang damit.
“HUWAG mong sabihing wala kang girlfriend sa Italia, pare. Hindi kami maniniwala.”
--- To be continued...
Kung nagustuhan mo ang kwento na ito, SHARE, LIKE at COMMENT naman dyan, para ganahan yung writer at maipagpatuloy pa ang series na ito.
Meron ka din bang fan fictional stories na gusto mo i-bahagi sa amin?
Maari mo ipadala yan sa amin sa pamamagitan ng email, send your original stories at dailybabbleph@gmail.com.
No comments:
Post a Comment